Hindi ko alam kung hanggang kailan ito. Sa ngayon ang masasabi ko lang ay natatakot ako.
2:24AM sabi ng orasan ko sa computer pero heto ako at di mapakali. Hindi ko alam kung tama nga ba ang ginawa kong desisyon o isa na naman akong hangal na hindi na natuto?
Tila isang malaking pangamba ang bumabalot sa akin. Ang alam ko mahal ko siya pero bakit tila naiiyak ako ngayon sa di ko maipaliwanag na dahilan? Nais kong titigan ang kanyang magagandang mga mata. Sabik ako sa kanyang mga ngiti na nakakabawas sa aking lungkot. Nais kong masdan ang kanyang mapusyaw na mga labi. Ang kanyang makulit na paraan ng pakikipag-usap sa akin ay lagi ko naiisip. Mga biro nya at ang kanyang pagseselos sa mga kakilala ko kahit alam naman naming dalawa na hindi ako gwapo. Lahat ng ito nakakapagdulot ng ngiti sa aking mga labi.
Aaminin ko na nagpakatotoo sya sa akin at hindi naglihim tungkol sa mga nakaraan niya. Unti- unti ay ipinapaalam niya sa akin ang mga detalye tungkol sa kanya. Sabi niya iba raw ang relasyon namin sa mga nakaraan niya. Ngayon niya lang daw muli naramdaman ang pag-ibig na nararamdaman niya para sa akin. Sabihin na natin naging mapaglaro sya at madaling magsawa sa mga nakalipas niya. Ako naman sa kabilang banda ay hindi sanay sa mga laro pagdating sa pag-ibig. Marahil masyado na rin madaming masasakit na bagay ang naranasan ko kaya’t ayoko na madagdagan pa.
Kung iisipin nagawa niya na akong talikuran noong sobrang mahal ko siya. Nahirapan ako makamove on pero sa awa ng maykapal at kahit paano ay nakaraos ako. Binuksan ko ang aking pinto ng pakikipagkaibigan sa kanya matapos ang ilang araw.
Hanggang sa nagkita na kami at nagkasama sa isang okasyon. Tila isang malaking biro ng tadhana ang kanyang naging reaksyon, animo nakakita ng multo. Nagkausap at nagkwentuhan muli. Bago matapos ang pagdiriwang, nanghingi siya ng isa pang pagkakataon para sa nabigo naming relasyon. Napipi ako at tila hindi ko alam ang isasagot.
Sabi ko kailangan ko ng panahon. Nag-isip ako. Totoo ba ito o pinaglalaruan lang niya ako? Kung tutuusin hindi ako ang tipo na lapitin kaya hindi maarok ng isipan ko kung bakit ganito ang mga nangyayari? Oo, takot ako muli masaktan. Marahil mahina at walang lakas ng loob matapos ng sunud- sunod na kabiguan ko sa pag-ibig. Anong magagawa ko eh sa lahat ng naging relasyon ko, ako lagi ang iniiwan?
Sa gitna ng aking pag-aagamagam ay biglang may kumalabit sa akin. Nagising pala siya.
“Baby, bakit gising ka pa?” inaantok niyang tanong.
“Wala may iniisip lang,” tugon ko habang pinupunasan ang ikinukubling mga luha sa aking mga mata.
“I LOVE YOU” bulong niya sa aking tenga. Ipinikit ko ang aking mga mata at huminga ng malalim upang isantabi ang mga pagdududa. Ngumiti ako. Ang sarap pakinggan ng mga salitang kanyang binitiwan. Sana nga sa pagkakataong ito ay iba na. Sana bukas o sa makalawa ay wala na ang pilit na nanggugulong tanong na “hanggang kailan?”
