Madilim ang buong lugar. Maraming usok mula sa mga sigarilyo ng mga tao sa paligid. Malakas ang tugtog ng musika na tila bumibingi sa aking mga tenga upang panandaliang di maramadaman ang sakit na dulot ng isang bigong pag-ibig. Isang kasawian na tila mahirap labanan.
Iniisip ko ang bilis ng mga pangyayari. Pilit ko inaalam kung ano nga ba ang mali? Ako nga ba ang salarin o ako ang biktima? Paano nga ba ang maging tunay na masaya? Minahal nya nga ba ako talaga o isa lamang laro ang lahat para sa kanya? Ang mga tanong na ito pilit kong hinahanapan ng mga kasagutan habang nilulunod ang sarili sa alak.
Dumating siya sa buhay ko ng di inaasahan. Malungkot ako nang mga panahong iyon. Hindi ko alam kung paano magsisimulang bumangon mula sa sunudsunod na biro ng tadhana. Wala akong trabaho bagama’t tituladong maituturing. Ang pamilya ko naman ay hindi mayaman kaya’t kailangan na magkatrabaho ako para makatulong man lang kahit konti. Akala ko noong mga panahong iyon desidido na ako na hindi muna iibig matapos ng isang masaklap na pagtatapos ng isang nakalipas na relasyon, dahilan siguro kung bakit di ako nakangiti ng madalas. At gaya ng lagi ko ginagawa kapag may saloobin, dinaan ko na lang sa blog ang mga problema.
Hanggang sa isang araw, nagmessage siya sa akin sa isang online social community kung saan parehas kaming miyembro. Nung una nakikipagkwentuhan, nakikipagkaibigan. Aaminin ko naging magaan ang loob ko sa kanya. Mukha kasi siyang mabait at iba sa karamihan. Di kalaunan naging magtextmate kami. Nagkakwentuhan tungkol sa maraming bagay, gaya ng trabaho niya bilang isang call center agent sa may Makati. Ang mga nakaraan niyang relasyon, tungkol sa kanyang pamilya at sa kanyang naging buhay estudyante. Sabi nya, masarap daw ako kausap. Naniwala naman ako.
Naging madalas kami magkatext at magkausap sa net. SIguro kailangan ko din ng makakausap ng mga panahong iyon kaya naging madali para sa amin ang magkapalagayan ng loob. Akala ko nakilala ko na sya ng sapat para iangat ang aming pagsasamahan mula sa pagiging magkaibigan.
Sabi nga ng marami, normal sa isang relasyon ang magkatampuhan at mag-away. Ika nga nila “you have to learn to adjust on the situation.” Mas nakakapagtibay pa nga raw iyon ng relasyon. Oo, nagkaroon kami ng di pagkakaunawaan. Andyan yung madalas sya magselos sa mga kaibigan ko, bagay na ipinaliwanag ko naman sa kanya na siya lang ang mahal ko at wala siya dapat pagselosan. Ang pagtatalo din namin dahil sa hindi ako makapagtext ng madalas, isang problema na hirap kong masolusyunan dahil bihira lang ako magkapera para makapagpaload dahil wala nga akong trabaho at nakaasa pa sa aking magulang. Ang pagkakaroon niya ng clan na sabi naman niya ay hindi raw niya hahayaang maapektuhan ang aming relasyon.
Nung una, napag-uusapan namin ang mga problema. Nagkakapaliwanagan na sana konting pag-unawa sa aming sitwasyon. Naintindihan ko ang di nya madalas pagtext sa akin dahil busy sya sa trabaho. Pero di nagtagal, naging sobrang madalang na siya sa pagtext. Pinilit kong makabawi sa kanya kaya lagi ako ng-online para kahit di ako makatext eh makapag-usap man lang kami sa online social community kung saan ko siya nakilala. Makabawi man lang ako kahit konti sa hinahanap niyang presenysa na willing ko naman ibigay sa kanya ngunit di lang siya makahintay. Pero di umaayon ang mga bagay tulad ng inaasahan ko. Andyan yung bigla siya nag-lologout kapag nakaonline na ako. Ang hindi niya pagsagot sa mga text ko kapag may load ako. Sumagot man siya yun ay ang matutulog na daw siya kasi pagod na. Iniyakan ko ang mga bagay na to. Sa isip ko, sana man lang may magawa pa ako para makausap siya at maayos kung anu ang problema. Pero mukhang huli na ang lahat.
Nagtext ako sa kanya ng sobrang daming quotes. Papansin ba kung baga baka kasi maisipan nya magreply. Bigo ako. Naubos ko na ang mga quotes sa inbox ko pero walang reply. Iniba ko naman. Tinext ko siya ng personal na saloobin ko- nag-sorry ako dahil sa mga kakulangan ko sa kanya, humingi rin ako ng kapatawaran. Nagreply siya na hindi naman daw siya galit.
Tinanong ko siya kung ano ang problema. Nung una ayaw niya pa aminin. Sabi niya wala naman daw. Kami pa rin daw at gusto niya pa rin daw na ipagpatuloy namin ang relasyon. Hanggang sa umamin na rin siya na hindi na niya ako mahal. Kesyo malayo daw kami masyado sa isa’t isa at pakiramdam niya daw talagang di ako interesado sa kanya. Madami siyang binigay na dahilan na para sa akin ay puro palusot lamang. Sa loob ko, kung alam niya lang kung gaano ko siya pinahahalagahan at ang aming relasyon. Siguro kung may trabaho ako naipadama ko pa sa kanya lalo ang nararamdaman ko. Pero anu naman magagawa ko? Ang hirap naman kasi matanggap bilang isang nurse ngayon sa mga ospital lalo’t di naman hiring ang lahat ng ospital at yung tumanggap naman sa akin eh sa Oktubre pa ang simula ko.
Sa gitna ng aking pagdaramdam sa kinauupan kong sulok sa loob ng mumunting bar, isang kaibigan ang tumabi sa akin.
“Tol tama na yan, mukhang sobra na nainom mo eh” wika niya.
“Kaya pa pare, konti na lang tapos uwi na rin tayo,” sagot ko sa nagmamalasakit na kaibigan sabay inom ng isang bote ng San Mig light.
Siguro naging Masaya kami kung may trabaho ako. Naibigay ko siguro ang gusto niyang presensya na hinahanap niya. MInahal nya nga ba ako talaga o isa lamang laro ang lahat para sa kanya? Ako nga ba ang salarin o ako ang biktima? Sa lahat ng mga tanong na bumabagabag sa isipan ko iisa lang higit na pinakamahalaga na mabigyan ng ng kasagutan: Paano nga ba ang maging masaya kung wala na siya?